English Spanish Tagalog (Philippines)

Ano ang Ginagawa ng Aming Programa

Pinagpapasyahan ng Pangasiwaan ng mga Claim ng Federal Employees' Compensation Act (FECA, Pederal na Batas sa Kompensasyon ng mga Empleyado) ang mga bagong claim para sa mga benepisyo at pinamamahalaan ang mga nagpapatuloy na kaso; binabayaran ang mga medikal na gastusin at mga benepisyo sa kompensasyon sa mga napinsalang manggagawa at naulila; at tinutulungan ang mga napinsalang manggagawa na makabalik sa trabaho kapag magagawa nila ito sa medikal na paraan.

Noong FY 2023, mahigit 112,000 bagong kaso ng FECA ang ginawa. Sa katumbas na taon ng pagbawi ng ibinayad, ang programa ay nagbigay ng $2.761 bilyon sa mga benepisyo sa mahigit 184,000 na manggagawa at naulila para sa mga pinsala o sakit na nauugnay sa trabaho. Sa mga kabayaran sa mga benepisyong ito, mahigit $1.893 bilyon ang para sa kompensasyon sa nawalang sahod, $760 milyon para sa mga serbisyong medikal at rehabilitasyon, at $108 milyon para sa mga kabayarang benepisyo sa pagkamatay para sa mga naulilang dependent. Gayon din, ang programa ay nagbayad ng mahigit $502 milyon sa 2534 na kaso sa ilalim ng War Hazards Compensation Act (WHCA, Batas ng Kompensasyon sa mga Panganib sa Giyera).

Saan Ibinabayad ang mga Benepisyo

Pinangangasiwaan ng aming programa ang FECA sa pamamagitan ng lokasyon ng mga tanggapan sa buong U.S. Bisitahin ang Impormasyon sa Pakikipag-ugnayan para sa mga Tanggapan ng Programa para sa mga Pederal na Programa para sa mga Empleyado para sa mga detalye.

Mga Serbisyong Maaasahan ng Aming mga Customer

Agarang Pagpapasya. Kung ikaw ay isang napinsalang manggagawa, maaari mong asahan ang napapanahong pagpapasya sa iyong claim sa kompensasyon:

  1. Para sa mga traumatic injury (pinsalang nakaka-trauma), ito ay nangangahulugang desisyon sa loob ng 75 araw ng pagkakatanggap sa lahat maliban sa mga pinakakumplikadong kaso.
  2. Para sa mga kaso ng mga simpleng sakit na mula sa trabaho, ilalabas ang desisyon sa loob ng 90 araw ng pagkakatanggap.
  3. Para sa karamihan sa mga kaso ng mga sakit na mula sa trabaho, na nangangailangan ng higit pang pagrerepaso, dapat gawin ang desisyon sa loob ng anim na buwan ng pagkakatanggap.
  4. Para sa mga kaso ng mga napakakumplikadong sakit na mula sa trabaho, dapat makagawa ng desisyon sa loob ng 10 buwan ng pagkakatanggap.

Mabilis na Pagbabayad ng mga Medikal na Bayarin. Ang mga medikal na bayarin, ito man ay direktang isinumite ng mga provider o bilang mga kahilingan sa pagbabalik ng ibinayad ng mga napinsalang manggagawa, ay kadalasang ipinoproseso sa loob ng 28 araw ng pagkakatanggap. Para sa anumang bayarin na hindi mababayaran, inilalabas ang Explanation of Benefits (Paliwanag ng mga Benepisyo) na naglalarawan ng dahilan sa hindi pagbabayad sa panig na nagsumite ng bayarin.

Mabilis na Pagbabayad ng Kompensasyon. Maaari ring asahan ng mga napinsalang manggagawa ang mabilis na pagbabayad ng mga claim para sa mga nawalang sahod sa mga tinanggap na kaso. Kung saan sinusuportahan ng medikal na katibayan ang kapansanan para sa trabaho, ang mga kabayaran para sa kompensasyon ay madalas na isinasagawa sa loob ng 14 na araw ng pagsusumite sa tanggapan ng nagpapatrabahong ahensya.

Tulong sa Pagbabalik sa Trabaho. Ang Federal Employees' Compensation Act ay nagbibigay sa mga napinsalang manggagawa ng karapatang muling makuha ang kanilang mga Pederal na trabaho sa loob ng isang taon mula ng magsimula ang pagkawala ng sahod. Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya para matulungan ang mga empleyadong makabalik sa trabaho sa panahong ito, at, kung kailangan, pagkatapos nito. Ang mga napinsalang manggagawa at nagpapatrabahong ahensya ay maaaring asahan ang mga napapanahong serbisyo ng pamamahala ng kaso, na kinabibilangan ng mga sumusunod:

  1. Pagtatalaga ng rehistradong nurse kung ang napinsalang empleyado ay hindi agad makakabalik pagkatapos ng pinsala. Tinitiyak ng nurse na ibibigay ang naaangkop na medikal na pangangalaga at tutulungan ang manggagawang makabalik sa trabaho.
  2. Referral sa medikal na espesyalista para sa eksaminasyon na pangalawang opinyon kung saan kinakailangan sa medikal na kondisyon ng manggagawa o pangangailangan ng programa para sa karagdagang medikal na impormasyon.
  3. Referral para sa mga bokasyonal na serbisyong panrehabilitasyon kung hindi makakabalik sa trabaho ang empleyado sa nagpapatrabahong ahensya o sa nakaraang kategorya ng kanyang trabaho.

Paano Pinopondohan ang Programa

Ang mga nagpapatrabahong ahensya ay responsable sa pagbabalik ng ibinayad ng Pangasiwaan ng mga Claim ng Federal Employees' Compensation Act (FECA) para sa mga gastos sa kompensasyon ng kanilang mga manggagawa. Nangyayari ang pagbabalik ng ibinayad na ito sa bawat taon sa pamamagitan ng prosesong chargeback.

Ang gastos sa pangangasiwa ng mga serbisyong ibinibigay ng Pangasiwaan ng mga Claim ng Federal Employees' Compensation Act (FECA) ay napakababa. Ang gastos ay 4% lamang ng mga benepisyo, at ang mga gastos sa kompensasyon ng mga Pederal na manggagawa ay 1.8% lamang ng kabuuang suweldo sa Pederal na pamahalaan at Pangkoreo, kumpara sa 2.3% para sa pribadong seguro at mga pondo ng estado.

Gayundin, dahil ang mga hindi pagkakasundo sa mga claim sa ilalim ng Federal Employees' Compensation Act ay inireresolba sa administratibong paraan, naiiwasan ng Pederal na pamahalaan ang nakakaubos ng panahon at magastos na litigasyon, na sa ilang sistema ng kompensasyon ng mga hindi Pederal na manggagawa ay bubuo sa 46% ng kabayaran.